top of page
Search

Support Community Pantries! Defund NTF-ELCAC!

  • Writer: updcesc
    updcesc
  • Apr 25, 2021
  • 2 min read

Itigil ang red-tagging! Suportahan ang mga community pantry! Tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC!

Noong ika-14 ng Abril 2021 pinangunahan ni Ana Patricia Non sa Maginhawa Street sa Quezon City ang kauna-unahang community pantry upang makapaghatid ng tulong sa mga Pilipinong labis na sinasalanta ng lumalalang pandemya. Mula sa inisyatibong ito, umusbong ang bayanihan, at kumalat pa sa iba’t-ibang sulok ng bansa. Ito ay repleksyon ng kakayahan ng mga taong magtulong-tulong sa gitna ng sakuna, at rumesponde sa lantad nang pagkukulang ng pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino. Muling nagliliyab ang diwa ng pagkakaisa upang kahit papaano’y maibsan pansamantala ang gutom at kahirapan. Gamit ang community pantry na nakasandig sa kaisipang “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan,” kitang-kita kung papaano nagsasanga-sanga ang ispiritu ng pagtutulungan na nag-ugat sa isang mumunting kariton.


Sa kabila ng bayanihang ito, kasuklam-suklam na pambabastos sa pamamagitan ng red-tagging at pagpapakalat ng mga hungkag na akusasyon ang ibinawi ng administrasyon. Napilitan si AP Non na pansamantalang isara ang community pantry sa Maginhawa noong ika-21 ng Abril dahil sa banta sa kaniyang seguridad at pati na rin sa seguridad ng mga boluntaryong tumutulong sa community pantry. Kahapon lamang, ikinumpara ni Lieutenant General Antonio Parlade, Jr, ang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC, ang mga umuusbong na community pantry sa kuwento ng “Forbidden Fruit” - tila ba pinararatangang huwad ang mga community pantry at inihalintulad pa si AP Non kay Satanas. At kagaya ni Parlade, wala ring habas ang pang-re-redtag ang ibinato ni Lorraine Badoy, miyembro ng NTF-ELCAC, sa organizer ng community pantry sa Maginhawa.


Mariing kunukundena ng Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Edukasyon ang red-tagging at ang pagpapakalat ng mga malisyosong haka-haka ukol sa mga community pantry organizers at sa mga sumusuporta nito. Mariin ding ipinapanawagan ng Konseho ang tuluyang pagtanggal ng pondo sa NTF-ELCAC, na promotor ng lantaran, tuloy-tuloy, at huwad na pangre-red tag sa mga inosenteng mamamayan na ang tanging hangad lamang ay makatulong sa kapwa-Pilipino. Naniniwala ang Konseho na ang labing-siyam na bilyong pisong pondo ng NTF-ELCAC ay nararapat lamang na ilaan sa pagpapalawak ng mga batayang serbisyo para sa taumbayan tulad ng edukasyon, kalusugan, at kabuhayan.

Ngayon higit kailanman ay kinakailangan ang ating nag-iisang tindig upang tuluyang wakasan ang red-tagging at mabuwag ang kultura ng karahasan sa ating bansa!



Larawan mula sa Philippine Daily Inquirer.

 
 
 

コメント


Post: Blog2_Post
  • Google Places
  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

© 2021 by UP College of Education Student Council.

bottom of page